MARINGAL NA PAGHAHAYAG TUGON I: Magalak kayong lahat sa kalangitan! Kayong mga anghel ay mangag-awitan! Magalak kayong lahat na mapapalad na nilikha na Nakapaligid sa luklukang dakila. Si Kristo ang aming Hari / ay nabuhay na mag-uli. / Hipan natin ang tambuli / nitong ating kaligtasan! / Magalak, O sanlibutan, / sa maningning nating ilaw! / Si Kristo na walang maliw / ang pumaram sa dilim! / TUGON II: Magalak ng lubos ang buong sambayanan! Sa kaluwalhatian lahat tayo'y magdiwang! Sa ningning ni Hesukristo, sumagip sa sansinukob, Siya'y muling nabuhay, tunay na manunubos! Itaas sa kalangitan / ating puso at isipan. / D'yos Ama'y pasalamatan / sa Anak Niyang nabuhay. / Sapagkat tapat S'yang tunay / sa Kanyang pananagutan, / Para sa kinabilangan / Niya na sambayanan! (TUGON I) Ngayon nga ang kapistahan / ni Hesukristong nag-alay / Ng Kanyang sariling buhay, / nagtiis ng kamatayan. / Ang minanang kasalanan, / ang dating kaalipina'y, / Sa tubig pawang naparam, / kalayaa'y nakamtan! (TUGON II) Ngayon nga ang pagdiriwang / ng ating muling pagsilang / Sa tubig ng kaligtasan / na batis ng kabanalan, / Pagka't mula sa libingan / bumangon na matagumpay / Mesiyas ng Sanlibutan / Si Hesus nating mahal.(TUGON I) *Diyos Ama ng sanlibutan, / tunay na walang kapantay / Pag-ibig mo't katapatan / para sa mga hinirang. / Handog mo'y kapatawaran / sa lahat ng kasalanan. Higit sa lahat mong alay /si Hesus naming mahal. (TUGON II) Dahil sa kaligayahang / sa ami'y nag-uumapaw / Hain namin itong ilaw, / sagisag ng Pagkabuhay. / Tunay na kaliwanagang / hatid ni Hesus na Tanglaw, / Ang dilim ng kamatayan / ay napawi't naparam! (TUGON I) Ang araw ng kaligtasan, si Hesus, bukang-liwayway, Walang maliw na patnubay sa landas ng kaligtasan, Hatid n'ya'y kapayapaan, lakas mo at pagmamahal Upang aming magampanan aming pananagutan! (TUGON I-II) Ending: Siya'y muling nabuhay, tunay na manunubos!